-- Advertisements --

Nanawagan ang University of the Philippines (UP) College of Law kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto o huwag isabatas ang isinusulong na Anti-Terrorism Bill.

Sa isang statement, sinabi ng kolehiyo na ngayon pa lang ay ramdam na ang bantang dulot ng panukalang batas sa sektor ng akademiya.

Masyado raw malawak para sa iba’t-ibang interpretasyon ang depenisyon ng “terorismo sa ilalim” ng pinirmahang bersyon ng Senado at Kamara, na posibleng magamit laban sa karapatang pantao.

“Its failure to distinguish acts of terrorism from all other acts already punished under existing penal laws opens up an opportunity to overcharge persons and threatens the guarantee against double jeopardy.”

Dagdag pa ng kolehiyo, banta sa buhay, kalayaan at seguridad ang mga itinalagang “acts of terror” sa inaprubahang mga panukala.

“Our Constitutional rights are also at stake, as the acts of terrorism defined in the bill lack sufficient standards such that they could stifle the rights to free expression, to travel, and to be afforded full procedural and judicial guarantees as part of the rights of an accused.”

Nauna nang naglabas ng pahayag ang UP Law kontra sa nasabing panukalang batas.

Sa ngayon, hindi pa naipapasa ng Kongreso sa Malacanang ang aprubadong mga bersyon ng panukalang batas dahil marami umano sa mga kongresista ang nagpalit ng boto na kontra na sa Anti-Terrorism Bill.

Naniniwala naman si Rep. Robert Ace Barbers na ive-veto ng presidente ang panukalang batas dahil sa mga probisyon nitong hindi naaayon sa Saligang Batas.