Nakabuo ang mga biologist mula sa University of the Philippines Diliman ng isang mathematical model na kayang matukoy ang lymphovascular invasion (LVI) — isang maagang palatandaan ng pagkalat ng cancer — bago pa man isagawa ang operasyon sa mga pasyenteng may breast cancer.
Ayon kay Michael Velarde, isa sa mga may-akda ng pag-aaral, makatutulong ang maagang pagtukoy ng LVI sa pagbibigay ng mas angkop at epektibong paggamot sa mga pasyente, lalo na sa mga agresibong uri ng breast cancer.
Ang LVI ay ang paglusob ng cancer cells sa mga ugat ng dugo at lymphatic vessels, na nagiging daan para ito’y kumalat sa ibang bahagi ng katawan (metastasis). Sa kasalukuyan, kinakailangan muna ng operasyon upang suriin ang paligid ng tumor at matukoy ang LVI.
Gamit ang mga datos mula sa kanilang pananaliksik at mula sa naunang pag-aaral, sinuri ng mga siyentipiko ang gene profile ng mga tumor na may LVI (+) at (−). Natuklasan nilang mas laganap ang mga UGT1 at CYP genes — mga gene na nagpapabilis sa pag-break down ng gamot — sa mga pasyenteng may LVI, dahilan kung bakit hindi umeepekto ang mga gamot gaya ng doxorubicin.
Gayunman, gumamit sila ng elastic net regression model na may 13 genes at kayang matukoy ang LVI status ng may 92% na successful rate.
Plano ngayon ng mga mananaliksik na ipagpatuloy ang pagsusuri sa mas maraming pasyente sa Pilipinas upang mapagtibay ang resulta ng kanilang pag-aaral.
Ayon kay Velarde, maaari itong ipatupad gamit ang mga kasalukuyang teknolohiya sa bansa upang maging mas abot-kaya at naaangkop sa mga Pilipinong pasyente ang paggamot.
Kabilang sa mga kasamang mananaliksik sa pag-aaral sina Allen Joy Corachea, Regina Joyce Ferrer, Lance Patrick Ty, at Madeleine Morta.
Samantala, batay sa UP College of Science, mahigit 33,000 kaso ng breast cancer ang naitatala sa bansa noong 2022, at higit 11,000 ang namamatay, dahilan kung bakit ito ang ikalawang nangungunang sanhi ng cancer-related death sa Pilipinas.