-- Advertisements --

Natuklasan ng mga estudyante mula sa Quezon City Science High School ang makabagong pag-aaral dahil sa dahon ng kamoteng kahoy (cassava) bilang panlaban sa breast cancer.

Batay sa kanilang pananaliksik, natukoy sa cassava leaves extract ang mga compound tulad ng Ephedradine A at (25R)-Spirostan-3 12-dione na kayang pumatay ng cancer cells nang hindi naaapektuhan ang malulusog na cells sa tamang konsentrasyon.

Sa pamamagitan ng in-vitro test gamit ang MCF-7 breast cancer cell line, nakita ang anti-cancer properties extract. Sa in-silico testing naman, nakita ng mga researchers na ang compounds ay kayang i-block ang Estrogen Receptor 5U2B, na responsable sa pagkalat ng cancer cells.

Ayon kay Gabrielle Shinyo, isa sa mga researchers, kinakailangan ng halos 4.6 ulit ng extract concentration bago ito magsimulang makaapekto sa healthy cells.

Ang proyekto ay isinagawa gamit ang cassava leaves na dito sa Pilipinas kinuha na kalaunan ay pinatuyo, giniling, at isinailalim sa chemical extraction.

Dahil sa kahalagahan ng kanilang natuklasan, inimbitahan ang grupo na magpresenta sa American Association on Cancer Research (AACR) forum sa Chicago noong Abril kung saan tanging ang Pilipinas at Taiwan lamang ang international teams na lumahok.

Ayon sa kanilang research adviser na si Genevieve Vasquez, malaking karangalan ito lalo na’t nag-umpisa lamang ang proyekto noong sila’y Grade 9 at humarap sa maraming hamon tulad ng pondo at teknikal na kaalaman.

Umaasa ang grupo na magiging daan ang kanilang pag-aaral sa paglikha ng mas mura at abot-kayang gamot sa breast cancer sa hinaharap.

Samantala, sa Pilipinas tinatayang 27,163 na bagong kaso ng breast cancer ang naitatala kada taon, at humigit-kumulang 9,926 na katao naman ang namamatay taon-taon.