-- Advertisements --
image 116

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na kasalukuyan na nitong pinoproseso ang pagsasaayos sa mga delayed payment sa mga tsuper na nasa ilalim ng service contracting program ng pamahalaan.

Pag-amin ni LTFRB Chairman Teofilo Guadoz, sa ngayon ay hindi pa makumpirma ng kagawaran kung magkano na ba ang kabuuang halaga ng pagkakautang ng pamahalaan sa mga tsuper na hindi napasahuran sa ilalim ng nasabing program.

Ngunit sa ngayon aniya ay ikino-consolidate na nila ang mga datos na kanilang kinakailangan patungkol sa mga tsuper na naging bahagi ng programang libreng sakay ng gobyerno.

Paliwanag niya, magkakaiba raw kasi ang mga datos na mayroon ang kagawaran kumpara sa isinumiteng datos ng mga transport group pahinggil sa nasabing mga tsuper.

Kung maaalala, batay sa datos na inilahad ni DUMPER Party-list Representative Claudine Bautista Lim ay umaabot na sa Php322-million ang unpaid services ng mga tsuper mula noong taong 2020 hanggang 2021.

Kaugnay nito ay nilinaw ni Guadiz na kahit na hindi pinaglaanan ng pamahalaan ng pondo mula sa panukalang 2024 budget ng ahensya ay mayroon pang ₱1.285-billion na halaga itong maaaring pambayad sa mga apektadong tsuper.

Samantala, kasabay nito ay nangako naman ang opisyal na sa loob ng dalawang buwan ay sisikapin ng kagawaran na mabayaran ang kahati ng naturang mga claims.