Binatikos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang “unlimited” community quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan magmula noong nakaraang taon nang unang tumama ang COVID-19 pandemic.
Sa kanyang talumpati sa Basecommunity housing projects sa Tondo Manila kung saan pormal niyang inanunsyo ang kanyang pagtakbo sa pagka-pangulo, sinabi ni Moreno na habang ang ibang bansa ay nagpapatupad na ng kanilang best practices laban sa pandemya, ang Pilipinas naman ay nag-experiment sa mga quarantine classifications.
Ginamit lamang aniya ng pamahalaan ang taumbayan bilang guinea pigs sa pinakamahaba at pinakastriktong unli-quarantines.
Sa nakalipas na 557 araw, ang ekonomiya ang tuluyang naging flat sa halip na ang curve ng COVID-19 cases.
Marami aniya sa nakalipas na taon ang namatay, bukod pa sa hirap na rin ang mga doktor at iba pang health workers dahil sa paraan kung paano hinahawakan ng pamahalaan ang COVID-19 response nito.
Magugunita na mula noong Marso 2020, nagpatupad ang pamahalaan ng mga community quarantines.
Sa ngayon, ipinatutupad naman ang granular lockdowns na mayroong kasamang alert level system para matukoy kung anong mga establisiyemento lamang ang papayagan na makapag-operate at kung ilan ang kapasidad sa mga ito ang papahintulutan.