-- Advertisements --
image 262

Iniulat ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang mga unfunded liabilities ng kasalukuyang umiiral na pension system para sa mga military at uniformed personnel ay katumbas na ng kalahati ng gross domestic product ng Pilipinas.

Inihayag ito ng kalihim matapos isulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang plano nitong pagpapatupad ng “self regenerating pension plans para sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Ayon kay Diokno, batay sa naging pag-aaral ng mga eksperto noong taon 2019 ay pumapalo na sa Php 9 trillion ang halaga ng unfunded liability ng military pension at ito aniya ay katumbas na ng kahalati ng GDP ng Pilipinas.

Sa ilalim kasi ng kasalukuyang sistema, ang ibinibigay na pension para sa mga retired military and uniformed personnel ay fully funded ng national government, at ito aniya ay awtomatikong nai-index sa umiiral na suweldo ng mga nanunungkulan na tauhan na may kaparehong ranggo bagay na inilarawan ni Diokno na malaking problema.

Kung maaalala, una nang nagbabala ang kalihim pahinggil sa kabiguang matugunan ang tumataas na halaga ng mga pensiyon para sa mga retirado na maaaring humantong sa isang “fiscal collapse.”

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa sa Senado ang mga panukalang i-reporma ang MUP pension system.

Sa ilalim ng mga rekomendasyon ng Department of Finance, ang reporma ay dapat ilapat sa lahat ng active personnel at new entrants at dapat na kailanganin na mag-ambag para sa kanilang pension fund na katulad ng mga pensiyonado ng Government Service Insurance System.