-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Tahasang itinanggi ng UNESCO National Commission of the Philippines na may kaugnayan ito sa kontrobersiyal na grupo na World Philosophical Forum (WPF).

Batay sa kanilang statement sa kanilang Facebook page, hindi nila kinikilala ang existence o partnership ng WPF sa naturang asosasyon.

Iginiit din nito na wala silang anumang nakaraan, kasalukuyan, o nakatakdang plano o proyekto sa WPF.

Ito’y matapos pinagbantaan ng nagpakilalang pastor ng WPF na si Leo Ortega na sasampahan niya umano ang Bombo Radyo dahil umano sa pagsisinungaling at paninira sa kanilang grupo.

Ngunit pinaninindigan naman ng himpilan na ibinatay ang mga komentaryo sa mga public affairs program nito sa mga pronouncement ng mga nagrereklamong barangay officials lalo na si Koronadal City Mayor Eliordo Ogena, at ilang mga dokumento na nagpapatunay na hindi kaanib ng UNESCO ang nasabing asosasyon.

Bukas rin ang tanggapan ng Bombo Radyo para sa mga opisyales ng WPF upang ipaliwanag ang kanilang panig at patunayang hindi sila isang uri ng investment scam katulad ng sinasabi ng mga nagrereklamo.