Kinatigan ng Korte Suprema ang resolusyon ng Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) noong June 26, 2015 na nag-oobliga sa Kentex Manufacturing Corporation na bayaran ang mga namatay na manggagawa nito sa nangyaring sunog sa naturang pabrika.
Sa naganap na sunog na sumiklab noong May 13, 2015, 74 na tauhan ng kumpanya ang nasunog.
Kabilang sa pinananagot ng Korte Suprema ang isa sa mga opisyal ng Kentex Manufacturing Corporation na si Ong King Guan dahil sa underpaid wages ng mga manggagawa.
Sa walong pahinang desisyon ng Supreme Court First Division na may petsang July 8, 2019, pinagbabayad nito ang Kentex, ang chairman at CEO nito na si Beato Ang at chief finance officer na si Ong ng mahigit P1.4 million para sa underpaid na sahod ng mga nasawing manggagawa.
Isinantabi naman ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagsasabing hindi dapat kasamang managot si Ong.
Ayon sa SC, final and executory na ang resolusyon ng DOLE-NCR nang mabigo si Ong na maghain ng apela sa kalihim ng DOLE sa loob ng 10 araw na reglementary period.
Hindi rin nakitaan ng korte ng merito ang argumento ng Kentex at ni Ong na sila ay napagkaitan ng due process dahil sila ay nakadalo sa mga proceedings sa DOLE-NCR magmula sa mandatory conference hanggang sa paghahain ng position paper at nailahad nila ang kanilang panig.