Bagaman hindi pinalad na manalo ang Gilas Pilipinas sa una nitong tuneup match sa Europa, ikinatuwa pa rin ni Gilas Head Coach Chot Reyes ang naging laro ng mga ito.
Nakalaban kasi ng Gilas ang Team Estonia sa kanilang unang tune-up game at natapos ang laro sa score na 81-71, pabor sa koponan ng Estonia.
Ang nasabing laro ay bahagi ng mga naplanong tune-up games ng Gilas, bilang bahagi ng paghahanda nito para sa 2023 FIBA World CUp.
Sa pagsisimula ng laban, agad naungunsan ng Estonia ang Gilas na umabot sa 0-9 hanggang sa umabot sa 22 points ang naging kalamangan ng Estonia.
Gayonpaman, pinilit pa rin ng Team Philippines na bumangon at naabot ang 63-66 score, sa unang bahagi ng 4rth quarter.
Sa likod nito, hindi pa rin nila nagawang maungusan ang Estonia, dahil na rin sa ilang mga turnover bago matapos ang laro.
Ayon kay Coach Reyes, maganda ang nakita niyang naging performance ng Team Gilas, lalo na at ito ang unang pagkakataon na makapaglaro si JuneMar Fajardo, mula sa anim na buwanng pagpapahinga.
Hindi rin biro aniya na bumangon muli mula sa 20 points na kalamangan ng kalaban. Ipinapakita umano nito ang determinasyon ng team na manalo, kahit pa man tune up games pa lamang ito.
Samantala, nakatakda namang kalabanin ng Gilas sa susunod na linggo ang Finland, na bahagi pa rin ng kanilang Eurupean training.