LEGAZPI CITY – Nakalabas na sa pagamutan ang unang Pilipino na nakumpirmang positibo sa Coronavirus Disease (COVID)-19 sa Hong Kong (HK).
Sa muling pagsasagawa ng pagsusuri sa babaeng Overseas Filipino Worker (OFW), lumabas na negatibo na ito sa naturang virus.
Sa ipinadalang mensahe ni Philippine Consulate General in Hong Kong Raly Tejada sa Bombo Radyo Legazpi News Team, nakarecover na sa virus ang OFW at malusog na rin.
Nakabalik na rin aniya ito sa bahay ng kanyang employer.
Samantala, may dalawa pang Pilipino ang nananatili sa isolation matapos na magpositibo sa COVID-19.
Umaasa naman si Tejada na makakalabas din ang mga ito sa pagamutan sakaling makarekober na at maging “asymptomatic” o wala nang “flu-like symptoms.”
Kaugnay nito, patuloy ang paalala nito sa mga kababayan ng pagsunod sa precautionary measures upang hindi mahawaan ng nakakamatay na sakit.