Naibulsa ng Los Angeles Lakers ang una nitong panalo ngayong season matapos pataubin ang Phoenix Suns, 100 – 95.
Kumamada ng 30 pts at 13 rebs ng sentro ng Lakers na si Anthony Davis habang nag-ambag naman ng 21 points, 8 rebs at 9 asst si NBA superstar Lebron James.
Ang bagong player ng Lakers na si Christian Wood ay nag-ambag din ng pitong puntos at sampung rebound mula sa bench, sa loob ng 21 mins na kanyang paglalaro.
Binuhat naman ni 2-time NBA Champion Kevin Durant ang Suns sa pamamagitan ng kanyang 39 points 11 rebound double-double performance.
Bagaman dominado ng Suns ang opensa at hawak ang lead mula una hanggang sa ikatlong kwarter, hindi nito nagawang mamentene ang kalamangan sa pagpasok ng huling kwarter dahil sa magandang depensang ipinamalas ng Lakers.
Umabot lamang kasi sa 11 points ang naipasok ng Suns sa huling kwarter kumpara sa 28 big points ng Lakers.
Naging susi sa panalo ng lakers ang magandang depensa na kanilang ipinakita lalo na sa huling bahagi ng laro.
Sa kabuuan, nagawa ng Lakers na makapagtala ng 14 steals kumpara 7 lamang ng Suns. Umabot rin sa 24 ang nagawang assists ng lakers habang 16 lamang sa Suns.
Dominado ng husto ng Lakers ang paint area matapos itong makapagpasok ng 58 points habang 32 points lamang ang pinayagan nilang maipasok ng Suns sa ilalim ng ring.