Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nadetect sa Pilipinas ang unang kaso ng omicron subvariant XBF.
Ayon sa DOH, ang sample ng XBF ay kinolekta noong Disyembre 2022 at isinailalim sa genome sequencing noong Enero 28 ng kasalukuyang taon.
Saad ng DOH na ang XBF ay isang recombinant sublineage ng BA.5.2.3 at CJ.1 (BA.2.75.3 sublineage) na nauna ng ibinabala dahil sa paglaganap nito at iniuugnay sa spike ng COVID-19 cases kamakailan sa Australia at Sweden.
Ibinunyag din sa isang pag-aaral na ang XBF ay sanhi ng humigit kumulang sa 55% ng kabuuang kaso na nadetect sa Victoria sa Australia.
Sa kabila nito, ayon sa report ng DOH, base sa kasalukuyang ebidensiya para sa XBF lumalabas na wala itong pinagkaiba pagdating sa disease severity o clinical manifestations kumpara sa orihinal na omicron variant.
Base din sa latest COVID-19 biosurveillance report ng DOH ngayong araw, nadagdagan pa ng dalawa ang dinapuan ng omicron subvariant XBB.1.5 sa bansa kayat umakyat na sa kabuuang 3 ang case tally sa nasabing subvariant.
Ayon sa mga eksperto, ang XBB.1.5 ay binansagang “Kraken” na itinuturing na most transmissible covid-19 subvariant.
Parehong iniuri ng World Health Organization (WHO) ang dalawang subvariants bilang under monitoring.