-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Health (DOH) na natapos na ang ika-21 araw na isolation ng unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas at sa kasalukuyan walang ibang kaso ng naturang virus ang naitala.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang 31-anyos na pasyente ay maaari ng ma-discharge sa oras na magbigay ng go-signal o na-clear na ng doktor ngayong araw at maari ng makipag-interact sa kaniyang pamilya at sa lahat dahil nakarekober na ito sa sakit.

Inihayag din ni Vergeire na naghilom na ang mga sugat nito habang patuloy naman na binabantayan ang mga close contacts nito na kasalukuyang kinokompleto ang 21 araw na quarantine period.

Ibinahagi din ni Vergeire na ang iba pang suspected patients ng monkeypox ay nasuri na at lumabas naman na negatibo ang mga ito sa monkeypox.