Kasunod nang mas pinahigpit na containment measures na ipinatutupad sa Estados Unidos at iba’t ibang bansa sa buong mundo dahil sa coronavirus pandemic ay patuloy din ang pagpupursige ng mga researchers na gumawa ng vaccine para tuluyan nang matuldukan ang krisis.
Nasa 35 kumpanya at academic institutions ang nagtutulong-tulong upang makagawa ng vaccine kontra COVID-19 at apat sa mga ito ay ginamit na upang subukan sa mga hayop.
Naipadala na ng Moderna, isang biotech company sa Massachussetts ang unang batch ng COVID-19 vaccine o mRNA-1273 sa US National Institute of Allergy and Infectious Diseases.
Ayon sa nasabing kumpanya, magiging handa na ang trial vaccine para gamitin sa 45 volunteers sa susunod na buwan na isasagawa sa Kaiser Permanente Washington Health Research Institute sa Seattle.
Layunin ng trial na ito na siguraduhin ng mga researchers na walang side effects ang vaccine bago gamitin sa mas maramihang pagsusuri.
Tumulong naman sa proseso nang paggawa ng vaccine ang mga scientists mula China na siyang nakatuklas sa genome sequence ng virus.