60 BAGONG FIRE SAFETY INSPECTORS SA QUEZON CITY, ITINALAGA; PAGGAMIT NG BODY-WORN CAMERAS, IPATUTUPAD
LOOPS: BFP
Bilang bahagi ng malawakang reporma upang palakasin ang transparency sa ahensya, pormal nang isinailalim sa briefing at orientation ng Quezon City Fire District ang humigit-kumulang animnapung bagong Fire Safety Inspectors.
Ang naturang hakbang ay alinsunod sa mahigpit na direktiba ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na naglalayong linisin ang hanay ng mga tagasuri, pataasin ang antas ng propesyonalismo, at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng Fire Code.
Itinalaga ang mga bagong tauhan upang direktang palitan ang mga naunang inspectors na inalis sa kanilang mga puwesto.
Kasunod nito, pansamantalang sinuspinde at mahigpit na ipinagbawal sa mga dating tauhan ang pagsasagawa ng anumang uri ng inspeksyon sa mga establisyimento habang gumugulong ang mga kaukulang hakbang laban sa kanila.
Samantala, bahagi rin ng malawakang paglilinis sa sistema ang inisyatibo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nag-aatas sa sapilitang paggamit ng mga body-worn cameras sa tuwing magsasagawa ng operasyon ang mga bumbero.
Layunin nitong magkaroon ng malinaw na dokumentasyon sa field, maiwasan ang mga iregularidad, at protektahan ang parehong mga negosyante at ang mga lehitimong tagasuri ng pamahalaan.
















