CENTRAL MINDANAO-Abot sa 122 na mga guro at iba pang kawani ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang lumahok ngayong Martes sa isang orientation para sa mga frontliners ng information campaign na gagawin bilang bahagi ng paghahanda para sa Covid-19 mass vaccination sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM).
Ang serye ng Risk Communication and Community Engagement Orientation ay pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza katuwang ang Department of Health (DOH) XII at DepEd. Ngayong araw, ang mga kalahok ng nasabing orientation ay mula sa bayan ng Midsayap, Kabacan, Aleosan at lungsod ng Kidapawan.
Ayon kay Ms. Dailyn Budiongan, isang guro mula sa Central Katingawan Elementary School, Midsayap tinukoy nito ang importansiya ng nasabing aktibidad sa pagbigay ng wastong impormasyon sa mga magulang upang mahikayat na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Layunin ni Pangulong BBM na mabakunahan sa loob ng kanyang isang-daang araw (100 days) bilang pangulo ang 23 milyong mga Pilipino o 50% ng eligible population sa buong bansa na wala pang booster shots ng Covid-19 vaccine.
Samantala, magpapatuloy ang nasabing aktibidad ngayong araw August 3, 2022 hanggang August 9, 2022 na gagawin pa rin sa loob ng bagong gusali ng Integrated Provincial Health Office, Amas, Kidapawan City para sa natitira pang mga target partners mula sa DepEd.