Target ng Department of Health (DOH) na masuri ang 12 milyong Pilipino pagsapit ng 2026 para malabanan ang epekto ng sakit na tuberculosis sa bansa.
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na ang naturang inisyatiba ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcs Jr. sa ilalim ng bagong inaprubahang Philippine Strategic TB Elimination Plan Phase 2 2025-2030.
Kaugnay nito, nilalayon din na doblehin pa ang pondo para sa TB services.
Kayat ipinanukala ng DOH ang P4.2 milyong pondo para sa TB services sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), na doble mula sa pondo sa TB ngayong taon na P2.6 million.
Ibinahagi naman ni Health Secretary Ted Herbosa ang ginagawang pagsasamoderno ng DOH sa TB screening at treatment sa bansa, kung saan gumagamit ng ultra-portable AI-powered chest X-rays at WHO-recommended Nucleic Acid Amplification Tests (NAAT) para mabilis na masuri at ma-diagnose ang mga kaso ng TB.
Gumagamit na rin aniya ng innovative regimen para sa drug-resistant TB, na nagpapaikli sa gamutan sa sakit mula sa dalawang taon sa anim na buwan na lamang at may mas mataas pang treatment success rate.
Isinasama na rin aniya ang kumpletong “cascade of care” o model na ginagamit para sa paggamot ng TB sa mga BUCAS center at primary care facilities na nasa ilalim ng mga lokal na pamahalaan.
Ang TB nga ay nananatiling isa sa mga pangnahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas kung saan 6.8% mula sa 10.7 milyong kaso ng TB sa buong mundo ang naitala sa ating bansa.
Nangangahulugan na nasa 625 na Pilipino sa bawat 100,000 ang mayroong TB noong 2024.










