-- Advertisements --

Unang araw ng bar exam sa Cebu, ‘generally peaceful’ ayon sa PNP

Walang naitalang anumang major incident ang Cebu City Police Office (CCPO) sa unang araw ng bar examination kahapon, Nobyembre 9, na isinagawa sa University of Cebu- Banilad campus at University of San Carlos -Law School nitong lungsod ng Cebu.

Wala ding naitalang lumabag sa anti-noise ordinance na ipinatupad at hindi na muna nagbebenta ng alak ang mga establisyementong nasa loob ng 100 meter radius ng dalawang unibersidad.

Kung sinumang mahuling lalabag nito ay pagmumultahin ng P1,000.

Samantala, pinuri ni Police Regional Office-7 Director Police Brigadier General Roderick Augustus Alba ang mga tauhan ng pulisya na tiniyak ng mga itong mahigpit na naipatupad ang security protocol.

Pinasasalamatan din ni Alba ang mga force multiplier at iba pang partner agencies na aktibong ginampanan ang kanilang tungkulin.

Sa Cebu, aabot sa 1,672 examinees ang kumuha ng bar exams sa testing centers dito kung saan karamihan ay nakatalaga sa UC.