Nanawagan si House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 na gawing prayoridad ang paggamit ng single-dose Janssen COVID-19 vaccines sa mga vulnerable groups lalo pa ngayon tumataas na naman ang COVID-19 cases dahil sa delta variant.
Masyadong matagal aniya ang apat na linggong pagitan sa first at second dose ng two-dose vaccines lalo pa at sinasabing sinasabing 90 percent na mas nakakahawa ang delta variant kumpara sa ibang uri ng coronavirus.
Bagama’t 90 percent protection ang ibinibigay ng two-dose vaccines, sinabi ni Salceda na ang first dose nito ay 50 percent lamang ang ibinibigay na proteksyon, kaya mayroong 40 percent na tsansang tamaan ng virus ang isang indibidwal na wala pang second dose.
Sa ngayon, marami pa rin aniyang mga munisipalidad ang ginagawang prayoridad ang pagtuturok ng Sinovac at Pfizer vaccines, pero base sa mga pag-uusap sa mga local health officers natukoy naman na ang consumption rate sa single-dose Janssen ay nasa 65 percent na.
Sinabi ni Salceda na dapat maitaas pa ang numerong ito sapagkat inaasahan na kakalat pa talaga ang delta variant kaya ngayon pa lamang ang dapat gawin ay bawasan ang hospitalization rates at taasan naman ang antas nang pagbabakuna gamit ang Janssen.