-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na ‘walang kontradiksyon sa mga pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng iba pang opisyal ng pamahalaan kaugnay sa pagkaka-ditene sa Czech Republic ng dating Ako Bicol Party-List Rep. Elizaldy “Zaldy” Co.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, malinaw umano ang paliwanag ng Pangulo at ni Justice Secretary Fredderick Vida na si Co ay nasa kustodiya ng Czech authorities dahil sa isyu ng immigration at kakulangan sa tamang dokumento.

Giit niya, ang salitang “arrest” ay hindi ginamit ng Pangulo, kundi ang aktwal na sitwasyon ay “apprehension due to immigration concerns.”

Sinabi rin ng Palasyo ang Department of Justice na nagsabing may “restraint of liberty” kay Co dahil sa kakulangan ng dokumento, ngunit ito ay kaugnay lamang ng immigration procedures at hindi pormal na pag-aresto sa ilalim ng criminal process.

Batay sa ulat, si Co ay na-detain sa Prague matapos umanong makapasok sa Czech Republic na walang kumpletong travel requirements.

Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng mga awtoridad doon.

Maaalalang noong Abril 16, inanunsyo ni Pangulong Marcos Jr. na na-apprehend si Co, matapos umanong makatawid ng border nang walang sapat na dokumento.

Samantala, nagtungo na sa Prague sina Justice Secretary Vida at Chief State Counsel Dennis Chan upang makipag-ugnayan sa Czech authorities hinggil sa posibleng pagbabalik ng dating kongresista sa Pilipinas.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng Department of Justice ang mga opsyon tulad ng deportation, extradition, o paggamit ng United Nations Convention Against Corruption para mapauwi si Co sa bansa.

Si Co ay nahaharap sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y P289.5-million road dike project sa Oriental Mindoro. Nawala siya sa bansa noong Hulyo 2025 at kalaunan ay nagbitiw bilang kinatawan ng Ako Bicol party-list.