-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umaasa ang Filipino Community sa Ukraine na magiging matagumpay ang pagpupulong sa pagitan nina UN Secretary-General Antonio Guterres at Ukranian President Volodymyr Zelenskyy.

Ayon kay Bombo International Correspondent Marcel Aquino, ipinahayag ni Zelenskyy na hindi niya tatanggihan ang talastasang pangkapayapaan sa Russia, at umaasa siyang mararating ang kasunduan sa diplomatikong paraan.

Samantala, inulit ni Guterres ang paninindigan ng UN sa isyu ng Ukraine, at tinalakay ng dalawang panig ang mungkahi hinggil sa makataong tulong at inaasahan na magdadala ng progreso sa evacuation ng mga sibilyan mula sa mga nilusob na lungsod ng Ukraine at ang paghahatid ng emergency supplies sa mga lugar na walang sapat na pagkain, tubig at gamot.

Patuloy naman ang ginawang rocket blast ng Russia kasabay ng pagbisita ni Guterres sa Ukraine.

Una nang nakipagkita si Guterres kay Russian President Vladimir Putin para isulong ang ceasefire sa Ukraine.