Ikinatuwa ni United Nation Secretary General Antonio Guterres ang pagtugon ng Russia at Ukraine na pumirma sa kasunduan sa muling paglalayag ng mga trigo sa karagatan.
Sa ginawang pirmahan na ginanap sa Turkey ay nagkasundo sina Russian Defense Minister Sergei Shoigu at Ukrainian Infrastructure Minister Oleksandr na muling buksan ang pagdaan ng mga cargo ships na magdadala ng mga pagkain.
Ang hakbang na ito ay para matigil na ang nararanasang krisis sa pagkain sa buong mundo.
Bukod sa opisyal ng UN ay naging saksi rin sa pirmahan si Turkish President Recep Tayyip Erdogan.
Nakasaad sa nasabing kasunduan na hindi puwedeng targetin ng Russia ang mga ports habang mayroong shipments.
Sasamahan ng mga Ukrainian vessels ang mga cargo ships para maiwasan nilang madaanan ang may nakatanim na landmines.
Magsasagawa ng inspection ang Turkey at UN sa mga cargo ship para matiyak na walang nagaganap na pagpupuslit ng mga armas.
Magugunitang inakusahan ng Ukraine ang Russia na hinarangan nila ang mga pantalan kaya hindi makadaan ang mga cargo ship nila na may kargang pagkain.