Mahigit sa $1.2 billion ang ipinangakong tulong ng mga donors mula sa iba’t ibang mga bansa para matulungan ang nasa 11 million Afghans na humaharap ngayon sa humanitarian crisis simula ng mapasakamay ng Taliban ang Afghanistan.
Inanunsiyo ito ngayong araw ni UN humanitarian chief Martin Griffiths sa pagtatapos ng ministerial meeting sa Geneva.
Inihayag ng opisyal na magsasagawa aniya ng assessment kaugnay sa humanitarian needs at sitwasyon ng nasa 3.5 million displaced Afghans kabilang na ang karagdagang mahigit 500,000 displaced Afghans ngayong taon.
Ilang mga bansa na rin ang nangako ng karagdagang pondo para matulungan ang mamamayan ng Afghanistan gaya ng Germany (500 million euros), Denmark( 38 million dollars) at Norway ( 11.5 million dollars).
Nauna nang nag-anunsiyo ang mga western government, malalaking traditional donors at iba pa ng kanilang tulong sa mga apektadong Afghans na lumagpas pa sa $606 million na target na malikom ng United Nation para matustusan ang pangangailangan ng mga Afghans hanggang sa katapusan ng taon.