Nanawagan si UN Secretary-General Antonio Guterres na pag-usapan munang mabuti ng North at South Korea ang mas tumitindi pang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Ito’y kasunod ng naging desisyon ng North Korea na putulin ang kahit anong uri ng komunikasyon nito sa South Korea.

Sa inilabas na pahayag ng tagapagsalita ni Guterres, nagpahayag ito ng pagkabahala sa kasalukuyang nagaganap sa Korean Peninsula. Dahil dito ay nais niyang muling mag-usap ang dalawang panig para maayos na solusyonan ang problema.

Ayon pa kay Guterres na mahalagang bagay ang komunikasyon sa dalawang bansa upang maiwasan ang hindi pagkaka-intindihan na maaari namang magdulot ng mas malalang kaguluhan.

Magugunita na ikinagalit Pyongyang ang pamimigay ng leaflets ng South kung saan puno ito ng kritisismo laban kay North Korean leader Kim Jong Un.

Bilang paunang hakbang ng North Korea ay ihihinto na nito ang lahat ng komunikasyon sa inter-Korean liaison office, military hotlines at sa pagitan ng North Korea’s ruling Worker’s Party at South Korean presidential office.