Matapos ang ilang serye ng rollbcaks, magpapatupad naman ang mga kompaniya na langis sa susunod na linggo ng umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa fuel price forecast para sa trading week mula Abril 4 hanggang 10, sinabi ng Unioil petroleum Philippines na posibleng magkaroon ng umento na P1.20 hanggang P1.40 ang kada litro ng gasolina.
Habang sa Diesel naman ay maaaring tumaas ng P0.30 hanggang P0.50 kada litro.
Kinumpirma naman ni Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na mayroong inaasahang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ayon kay Romero ay dahil sa paghupa ng tensiyon dala ng banking crisis, supply disruption sa Turkey, pagbaba ng imbentaryong langis ng US na mahigit sa inaasahan lalo na sa gasolina at sinyales ng malakas na demand sa Asya dahil sa pagrekober ng China mula sa pandemiya.