-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Sugatan ang isang pulis matapos saksakin ng lasing na kanyang inawat sa pagwawala sa Barangay Man-up, Altavas, Aklan.

Isinugod sa ospital sa bayan ng Kalibo si PSgt. Edmar Aranas, 34, ng Barangay Old Buswang, Kalibo, Aklan at nakatalaga sa Aklan Police Provincial Office.

Agad naman na naaresto ang suspek na si Rex Perlas, 36, residente ng naunang nabanggit na lugar at kasalukuyang nakapiit sa selda ng Altavas Municipal Police Station.

Ayon kay PSSgt. Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan PPO na off-duty ang naturang pulis nang mangyari ang insidente.

Pumagitna umano si PSgt. Aranas sa nagwawalang lasing matapos tamaan sa paa ng plastic na bala ng airgun ng kanyang pamangkin.

Umuwi aniya ang suspek, subalit sa kanyang pagbalik ay may dala na itong patalim at agad na sinaksak ang pulis na tinamaan ng pitong beses sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang suspek dahil sa ginawang krimen.