-- Advertisements --

Pinabulaanan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang claims na “rebranding” umano ng Department of Education (DepEd) sa terminong Martial Law sa New Society o Bagong Lipunan.

Ginawa ng kalihim ang naturang pahayag matapos ang panawagan ng ilang guro sa withdrawal ng Senior High school module na may pamagat na “21st century literature from the Philippines and the World Quarter 1 – Module 1: Geographic, Linguistic, and Ethnic Dimensions of Philippine Literary History from Pre-colonial to the Contemporary.”

Sa naturang module nakapaloob ang isang kataga doon kung saan tinawag ang Martial law bilang isang “period of New Society”.

Bunsod ng natatanggap na mga reklamo, iginiit ni Education Secretary Duterte na walang plano ang kagawaran na burahin at palitan ang katotohanan.

Sinabi din ng kalihim na batid nito ang kahalagahan ng Martial Law at EDSA Revolution sa ating kasaysayan bilang isang bansa gaya ng milyon-milyun nating mga kababayang Pilipino.

Inalala din ng kalihim ang kaniyang naging karanasan noong Martial law.

Ayon pa kay Duterte na ang terminong Martial Law at New Society o Bagong Lipunan ay parehong historically accurate.

Ang Bagong Lipunan ay tumutukoy sa programa na inilunsad noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa kaniyang administrasyon at isang historical fact na ang Martial Law ay kumakatawan sa 14 na taong pamumuno ng dating Pangulo.

Iginiit din ni Duterte na ang nag-viral sa social media hinggil sa rebranding ng Martial Law sa terminong Bagong Lipunan ay nakasentro sa isang linya lamang at hindi ng buong pahina ng naturang module.