CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay ng militar ang isang miyembro umano ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang isang sundalo rin ang sugatan sa apat na beses na engkuwentro sa dalawang magkatabing bayan ng Bukidnon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 403rd Infantry Battalion, Philippine Army commander Lt. Col. Ferdinand Barandon na nangyari ang unang engkuwentro ng 88th IB laban sa mga rebelde sa Mt. Miyangki, Brgy. Nagkabuklad, San Fernando, Bukidnon.
Inihayag ni Barandon, napaatras ang nasa 20 miyembro ng mga rebelde subalit naiwan naman ang isang bangkay na kinilalang si Loloy Gayuran Dal-anay alias Ladong na umano’y opisyal ng NPA.
Nasundan pa ang engkuwentro sa bayan ng Quezon kung saan nasa 30 NPA rebels ang hinarap ng militar na nagresulta na nang pagkasugat ng isang sundalo na kasalukuyang naka-confine sa Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro City.
Dagdag ng opisyal, nakumpiska naman ng gobyerno mula sa apat na beses na engkuwentro ang tatlong mataas na uri ng mga baril, anti-personnel mine, mga bala, kagamitan sa paggawa ng bomba at mga personal belongings ng mga tumakas na mga rebelde sa lugar.