Tiniyak ng National Police Commission na hindi nito palalagpasin at iimbestigahan nito ang umano’y mga police spotters ng gunmen sa iba pang insidente ng pamamaslang sa lalawigan ng Negros Oriental.
Ito ang inihayag ng chairperson ng nasabing komisyon na si Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. kasunod ng mga binitawang alegasyon ng abogado ng pamilya Degamo na si Atty. Levito Baligod na may ilang kapulisan ang tumayong spotters ng mga pumatay sa iba pang biktima ng pamamaslang sa nasabing lalawigan.
Ayon kasi kay baligod, marami na raw mga saksi ang naglalabasan ngayon na pawang may hawak na mga ebidensya tungkol dito.
Kasabay nito ay isiniwalat din na mayroon pang 64 na mga insidente ng pagpatay sa Negros Oriental bago pa man mangyari ang pamamaril kay governor Degamo.
Kaugnay nito ay sinabi naman ni PNP-OIC at Deputy Chief for Administration PLTGEN Rhodel Sermonia na sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na listahan ukol dito ngunit siniguro naman niya na agad silang kikilos sa oras na matanggap na nila ang mga kaukulang dokumentong kanilang kinakailangan.
Habang tiniyak naman ni Secretary Abalos na pananagutin nila ang lahat ng mga pulis na sangkot sa mga kasong pagpatay sa Negros Oriental nang sumusunod sa legal at tamang proseso.