-- Advertisements --
image 85

Bumuo na ng special committee ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao upang suriin ang umano’y bentahan ng posisyon sa pagkaguro sa nasabing lalawigan.

Ito ay matapos na mapaulat na mayroong bentahan ng teacher’s plantilla sa lalawigan na umaabot pa sa halagang Php300,000 sa kabila ng mahigpit na pagbabawal nito sa ilalim ng aral ng Islam.

Ayon kay Education Minister Mohagher Iqbal, ang pagbuo ng special committee ukol dito ay layuning imbestigahan ang naturang mga alegasyon at upang palabasin ang katotohanan hinggil sa nasabing isyu.

Babala ng opisyal, ang sinumang opisyal, personnel, o school division staff na mapapatunayang sangkot sa nasabing ilegal na gawain ay pananagutin ng mga otoridad.

Kasabay nito ay muli rin siyang nanawagan sa publiko na agad na ireklamo ang mga indibidwal na mapag-aalamang sangkot sa ganitong uri ng gawain nang may matibay na ebidensya na maaaring magamit sa kanilang imbestigasyon.

Samantala, sa ngayon ay mayroong 968 na mga teaching at non-teaching personnel sa buong Lanao del Sur I at II, Sulu school divisions, kabilang na ang 16 na indibidwal mula sa regional staff na kasalukuyan namang Ministry of Basic, Higher and Technical Education na tiyak na sumusunod sa mahigpit at transparent na recruitment process.