Inisa-isa ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang maraming dahilan kung bakit hindi dapat ipagkaloob sa ABS-CBN ang hinihiling nilang 25-year franchise.
Sa joint hearing ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability, nilatag ni Marcoleta ang mga paglabag aniya ng media giant sa ilang probisyon ng Saligang Batas.
Ayon kay Marcoleta, aabot sa 63 taon ang operation ng ABS-CBN magmula nang magsanib ang Altro Broadcasting System at Chronicle Broadcasting Network noong 1957.
Kahit na makabalik na ito sa ere pagkatapos ng martial law, sinabi ni Marcoleta lagpas pa rin ito sa 50 years na itinatakda ng Saligang Batas.
Inungkat din ni Marcoleta ang mga paglabag umano ng ABS-CBN pagdating sa karapatan ng 11,000 empleyado nito dahil tanging 2,661 lamang dito ang regular employees na nakakatanggap ng government-mandated benefits.
Pinuna rin ni Marcoleta ang paggamit aniya ng “multiple channels” ng ABS-CBN gamit ang iisang prangkisa sa pamamagitan nang pagbebenta nito ng TV Plus box.
Tinuligsa rin ng kongresista ang issue sa foreign ownership dahil noong 2002 lamang aniya nakakuha ng Filipino citizenship ang chairman emeritus ng ABS-CBN na si Eugenio Lopez III.
Maging ang alegasyon ng pagiging political bias at tax evasion umano ng kompanya ay binalikan din ni Marcoleta.
Kaya naman, para sa kongresista, hindi nararapat na magpagamit ang Kongreso at bigyan ng 25-year franchise ang ABS-CBN bunsod sa mga paglabag nila sa Saligang Batas.
Sa kabilang dako, nanawagan naman si ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak sa Kamara na isaalang-alang na lamang ang kahihinatnan ng kabuhayan ng kanilang 11,000 empleyado sa pagbuo ng desisyon hinggil sa kanilang prangkisa.
Ayon kay Katigbak, posibleng sa susunod na linggo ay maglabas na sila ng listahan ng mga matatanggal nilang empleyado.
Ginagawa naman aniya ng kanilang kompanya ang kanilang makakaya para maprotektahan ang kanilang mga empleyado pero hindi naman aniya habambuhay nila ito maibibigay.
Palaki nang palaki na rin kasi aniya ang kanilang lugi nang huminto ang kanilang pag-ere noong Mayo 5 makaraang maglabas ng cease and desist order ang NTC laban sa kanila.
Batid naman aniya nila na nasa kamay ng Kongreso ang kapalaran ng kanilang prangkisa pero umaasa silang maantig ang puso ng mga mambabatas ay ipagkaloob sa kanila ang hinihiling na prangkisa para makabalik ulit sa ere.