Inihayag ng Armed Forces of the Philippines na maaaring propaganda ng China ang ideya na mayroon silang informant na nagtitiktik ng impormasyon kaugnay sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin shoal at iba pang mga lugar sa West PH Sea.
Ayon kay Armed Forces chief General Romeo Brawner, Jr., iniimbestigahan na ng AFP ang posibilidad na ito subalit maaaring ito lamang ay disinformation mula sa Tsina.
Una na ngang pinalutang ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na lumalabas na mayroong advanced knowledge ang gobyerno ng China sa resupply mission ng PH at pinalutang ang posibilidad na mayroong informants ang bansang Tsina.
Ito ay makaraang harangin ng China coast guard at militia vessels ang mga barko ng PH at binombahan ng tubig at nagsagawa ng mapanganib na maniobra laban sa panig ng PH sa kasagsagan ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal nmoong Agosto 5.
Nasundan pa ang mapanganib na pagmaniobra ng mga barko ng China laban sa mga barko ng PH sa follow-up resupply mission noong nakalipas na linggo.
Nitong weekend naman binuntutan ng barko ng China ang BRP Laguna sa resupply mission nito sa Ayungin at sa Pag-asa island.
Muling iginiit naman ng AFP official na karapatan at obligasyon nila na magdala ng mga suplay sa kanilang mga sundalo sa mga isla na nasa loob ng exclusive economic zone ng PH at walang special arrangement sa China para ipaalam ang mga aktibidad nito katulad ng resupply mission nito sa Ayungin shoal.