Kinumpirma ng Department of Justice ang pakikipagtulungan sa Philippine National Police hinggil sa isinasagawang imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero.
Inihayag mismo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sila’y mayroon ng arrangement katuwang si PNP Chief General Nicolas Torre III upang matukoy ang katotohanan sa likod ng pagdukot at pagkawala ng mga sabungero.
Aniya’y nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan nila ng kasalukuyang hepe ng Philippine National Police sa pag-iimbestiga lalo na sa mga isiniwalat na impormasyon ng lumantad na testigo.
Kaugnay pa rin ito sa mga inihayag kamakailan ng isang testigo na kinilala bilang si alyas ‘Totoy’ hinggil sa impormasyong nalalaman niya sa pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kasi sa kanya, pinatay at inilibing umano sa Taal Lake ang mga nawawalang sabungerong biktima na apat na taon ng pinaghahanap.
Ngunit pagtitiyak naman ni Justice Secretary Remulla na nauna niya na itong nakausap kaya’t ang arrangement kay PNP Chief Torre III ay kanyang kinumpirma.
Ito’y bunsod sa posibilidad na kuhain ng kagawaran si alyas ‘Totoy’ bilang ‘state witness’ hinggil sa pagresolba nito sa pagkawala ng mga sabungero.
“And ah… basta’t meron kaming, meron kami ano rito ni General Torre, meron na kaming arrangement,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Sa kasalukuyan ay hindi pa rin nahahanap ang nasa 34 nawawalang mga sabungero sa ika-apat nitong taon buhat ng maiulat ang kanilang pagkawala.
Kaya’t ang Department of Justice ay sineguro sa publiko na kanilang pinoproseso na ang mga impormasyong nakalap pati na rin ang mga inilantad ng kinilalang si alyas ‘Totoy’.