GENERAL SANTOS CITY – Kalunos-lunos ang nangyari sa isang hinihinalang bagong silang na batang babae matapos na nilapa ng isang alagang baboy sa Purok 3, Barangay Banali, Senator Ninoy Aquino sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni PCapt. Robert Trinidad, hepe ng Senator Ninoy Aquino Municipal Police Station, pinuntahan ng may-ari ang kanyang alagang baboy at doon tumambad sa kanya ang isang sanggol na wala nang buhay kayat kaagad na inireport sa pulisya.

Aniya, mula sa bahagi ng bewang hanggang paa na lamang ng sanggol ang natira at may iilang di tukoy na parte ng katawan ng bata ang natagpuan sa paligid ng kinaroroonan ng baboy.

Dagdag pa ng opisyal, wala rin umanong narinig na iyak ng bata ang mga residente sa lugar bago natagpuan ang sanggol.

Paniwala nila na posibleng wala nang buhay ang naturang sanggol nang ito’y nilapa ng baboy matapos itong iniwan sa lugar.

Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya sa Senator Ninoy Aquino sa insidente pati ang pagkilala sa ina ng bata.