-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umakyat na sa limamput isa ang mga nasawing migrants na lulan ng isang truck galing sa Mexico dahil sa heat stroke.

Unang natagpuan ang bangkay ng apatnaput anim na migrants sa isang truck na iniwan ng tsuper sa San Antonio. Texas.

Tatlo ang naidagdag sa mga nasawi matapos na mamatay sa ospital.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jon Melegrito, news editor ng isang pahayagan sa Washington DC na sa nakaraang sampung taon ay ito ang ikalawang beses na nangyari ang pagkamatay ng maraming migrants na sakay ng truck mula sa Mexico.

Ang mga human smugglers aniya ang nakikinabang sa border crossing dahil inihayag ng nadakip na tsuper ng truck na binayaran siya ng 7,500 dollars para sa pagbiyahe sa mga migrants na karamihan ay mga menor de edad mula sa Mexico.

Ayon kay Ginoong Melegrito, nag-usap na sina President Joe Biden at President Andres Manuel Obrador ng Mexico kung paano malutas ang human smuggling.

Panahon ng summer sa Amerika kaya tumataas ang bilang ng mga migrante na gustong pumasok sa naturang bansa.

Ayon kay Ginoong Melegrito, komplikado ang migration issue sa Amerika dahil ayaw ng mga Republicans na mareporma ang immigration policy para maging legal sana ang pagpasok ng mga Mexican at iba pang migrants.

Kailangan aniya ng mga workers sa Estados Unidos dahil may mga trabaho na ayaw gawin ng mga native American.