CAUAYAN CITY – Nananatiling isolated at hindi pa maaaring mapuntahan ng ground forces ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasa pitong bayan sa Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Augusto Padua, commander ng Tactical Operations Group-2 Philippine Air Force (PAF), sinabi niya na kailangan ng air assets sa Aparri, Lal-lo, Alcala, Lasam, Camalaniugan, Gattaran at Baggao.
Gayunman, unti-unti nang napapasok ng ground forces ang mga bayan ng Amulung, Tuguegarao City, Solana, Enrile at Iguig sa lalawigan ng Cagayan.
Aniya, tuluy-tuloy ang pagsasagawa nila ng aerial relief operations sa mga residenteng isolated at lubog pa rin sa tubig-baha sa pitong bayan sa lalawigan.
Ayon pa kay Col. Padua, bagama’t naglunsad sila ng search and rescue operations ay maraming residente ang ayaw iwan ang kanilang mga bahay kahit lubog na sa tubig-baha.
Patuloy din ang pagbibigay ng aerial support ng limang helicopter ng PAF sa Cagayan at nananatiling maayos ang takbo ng kanilang operasyon.
Umaasa sila na tuluyan nang bababa ang antas ng tubig sa Cagayan upang maayos nang masuportahan ng ground forces ang lahat ng mga munisipalidad at upang makabalik na sa kanilang base ang tropa ng PAF na ipinadala sa Cagayan