-- Advertisements --

Humaharap ngayon ang natitirang tropa ng Ukrainian soldiers sa port city ng Mariupol, Ukraine sa isang brutal at posibleng huling laban mula sa Russian forces.

Maaaring target ng Russian forces na maipasakamay kay Russian President Vladimir Putin ang panalo sa labanan sa Mariupol isang araw bago ang pagdiriwang ng May 9 Victory day ng Russia sa pagkatalo ng Nazi Germany noong WWII.

Mas lalo pang tumindi ang pangamba ng Ukrainian forces habang papalapit ang Victory day ng Russia hinggil sa intense missile at artillery bombardments at panibagong mga pag-atake.

Inaasahang magiging garbo ang pagdaraos ng Russia ng kanilang Victory day kung saan nasa walong Mig-29 fighter jets ang inaasahang ipapalipad sa Red Square ng Moscow na nagpapakita ng letrang “Z” na marka ng military assault ng Russia sa Ukraine.

Nasa 77 aircraft ang nakatakdang magsagawa ng fly-past kabilang ang pambihirang makita na I1-80 Doomsday plane na kaya ang isang nuclear attack.

Hindi naman nakikitaan na gagamit ang Moscow ng tactical atomic weapon sa Ukraine conflict bagkus ay dodoblehin ang kanilang depensa.

Kaugnay nito, nakatakdang makipagpulong si Ukrainian President Volodymyr Zelensky sa Group of Seven (G7) leaders sa pamamagitan ng isang video conference para pag-usapan ang sitwasyon sa Ukarine kung saan pinangangambahan ang panibagong pagpapaigting sa opensiba ng Moscow matapos ang paglikas sa mga sibilyan mula sa Azovstal steelworks plant sa Mariupol.

Ang underground ng naturang planta ang naging hideout ng Ukrainian forces kasama ng daan-daang mga sibilyan sa devastated port city.

Ayon kay Zelensky, nasa mahigit 300 sibilyan na mga kababaihan at bata ang nailikas mula sa planta nitong Sabado at inihahanda na rin ang pangibagong evacuation sa mga sugatan.