-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pinalakas pa ng lokal ng pamahalaan ng dalawang bayan sa Maguindanao at Kabacan Cotabato ang ugnayan kontra Coronavirus Disease (COVID-19).

Nag-usap na sina Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal, Pagalungan, Maguindanao Mayor Datu Salik Mamasabulod at Kabacan, Cotabato Mayor Herlo Guzman Jr sa mga alituntunin na umiiral hinggil sa dineklarang public health emergency sa bansa.

Ang Kabacan ay isang maunlad na bayan sa probinsya ng Cotabato.

Karamihan sa mga residente ng Pagalungan at Datu Montawa,l Maguindanao ay sa bayan ng Kabacan namimili ng kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan.

Sinabi ni Mayor Herlo Guzman Jr sa ilalim ng General Community Quarantine ay pinapayagan nyang pumasok sa bayan ng Kabacan ang mga residente ng Datu Montawal at Pagalungan.

Ngunit limitado lamang at kailangang may border pass na nilagdaan ng tatlong alkalde.

Dagdag ni Mayor Guzman Jr na 30 katao lamang bawat araw ang papasok sa bayan ng Kabacan ngunit limitado ang kanilang dapat puntahan.

Ang mga establisemento lamang na kanilang puwedeng puntahan ay ang bangko, botika, hospital, at mga remittance center.

Magsisimula ang nasabing pagpapahintulot ngayong May 6, 2020, Miyerkules.

Inabisuhan na rin ng alkalde ang mga checkpoints na kailangang magpakita ng border pass ang mga papasok, kasabay ng paglista sa logbook at pagkuha ng locator’s slip.

Lahat ng papasok sa bayan ng Kabacan ay kailangang nakasuot ng facemask at mahigpit na pagpapatupad ng social distancing.

Nagpasalamat naman si Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal sa kahanga-hangang inisyatibo ni Mayor Guzman Jr.