Tuluyan nang tatalikuran ni UFC Veteran Stevie Ray ang cage, na naging bahagi ng kanyang karera sa mixed martial arts sa loob ng mahigit isang dekada.
Ito ay matapos na ianunsyo ng batikang martial artist ang kanyang pagreretiro mula sa professional Mixed Martial Arts.
Ayon kay Ray, sapat na ang labing-apat na taong inilagi niya sa kanyang karera, at napapanahon na ring ilipat ang kaniyang kaalaman at experience sa mga batang martial artist.
Una niyang pinasok ang kanyang karera noong June 27, 2010, bilang lightweight contender. Matapos nito ay umangat siya sa Cage Warriors bilang 2-time lightweight champion.
Maalalang una nitong inanunsyo ang kanyang retirement noong October 2019, dahil sa problema sa kanyang tuhod.
Gayonpaman, bumalik siya sa MMA nitong 2022. Ngunit sa loob ng kanyang ilang buwan na pagbabalik, mas marami ang naitala nitong pagkatalo, kumpara sa kanyang mga naipanalong laban.
Natapos niya ang kanyang professional career sa record na 25-13.