-- Advertisements --

Muling pinatunayan ng United Arab Emirates (UAE) ang malakas na suporta nito sa ekonomiya at mga programang pangkalikasan ng Pilipinas.

Ito ay habang nagpahayag ng pagpapahalaga sa kung paano itinuturing ng gobyerno ng Pilipinas ang UAE bilang isang palakaibigang bansa.

Sinabi ito ni Mohamed Obaid Salem Alqataam Al-Zaabi sa kanyang courtesy visit kay Pangulong Marcos.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Ambassador Al-Zaabi na pinahahalagahan ng UAE ang Pilipinas bilang isa sa mga kaalyado nito sa Asya at maraming kumpanya sa kanilang bansa ang gustong magtayo ng kanilang mga negosyo sa Pilipinas.

Binigyang-diin niya na nais nilang ipakilala ang isang bagong “platform knowledge” program kung saan maaaring magpalitan ng impormasyon ang gobyerno ng Pilipinas at UAE upang saklawin ng isang memorandum of understanding (MOU), sakaling aprubahan ni Pangulong Marcos ang panukala.

Dagdag dito, ang programa ng pagpapalitan ng impormasyon ay ipinakilala na sa Egypt, Spain, Jordan, at iba pang mga bansa.

Ang programa, na inilunsad noong 2018, ay isang government exchange program ng Opisina ng Prime Minister ng UAE.