Bigo si Iranian Foreign Minister Mohammad Javad Zarif na makakuha ng US visa na kakailanganin nito para sana makadalo sa United Nations Security Council meeting na gaganapin sa New York bukas.
May kaugnayan pa rin ito sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran matapos paslangin ang isa sa prominenteng military commander ng nasabing bansa na si Gnen. Qassem Soleimani.
Pagsisiwalat ng hindi nagpakilalang US official, hinaran ng Washington ang pag-apruba sa hinihinging visa ni Zarif upang makatuntong ito ng Amerika at makiisa sa pagpupulong.
Sa ilalim ng 1947 U.N “headquarters agreement” kinakailangan muna ng pahintulot mula sa US para makapasok sa bansa ang iba’t ibang foreign diplomats ngunit iginiit din ng Washington na may kakayahan silang mag-deny ng visa sa mga kadahilanan tulad na lamang ng seguridad, terorismo at foreign policy.
Hindi naman kaagad nagkomento ang U.S State Department hinggil sa isyu. Maging si U.N spokesman Stephane Dujarric ay tikom ang bibig tungkol sa denial ng US visa ni Zarif.
Nakatakda sanang dumalo si Zarif sa pagpupulong ng Security Council kung saan tatalakayin ang UN charter.
Ang nasabing meeting ay makapagbibigay sana ng global spotlight kay Zarif upang tahasang batikusin ang ginawang pagpatay ng US kay Soleimani.