CAUAYAN CITY – Lubos ang pagtulong ng Amerika sa Ukraine para mapahina ang military might ng Russia.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jon Melegrito, news editor ng isang pahayagan sa Washington DC na umabot na sa halos $4 Billion ang halaga ng mga armas, military equipment, military assistance at training ang naibigay ng Amerika sa Ukraine.
Malaking tulong aniya ang military intelligence na ibinibigay ng Estados Unidos dahil hindi magpapadala ng miitary troops sa Ukraine bunsod ng pangambang gamitin ng Russia ang mga nuclear weapons nito.
Ayon kay Ginoong Melegrito, ayaw ding aminin ng Amerika na may bahagi sa pagpapalubog sa barkong pandigma ng Russia sa Black Sea
Hangad aniya ng Estados Unidos at European Union na matalo ang Russia sa giyera sa Ukraine para hindi na gagawin ang pag-atake sa iba pang bansa.
Hindi inaasahan ni Pangulong Vladimir Putin ang military setback sa Ukraine dahil marami nang sundalo at heneral ng Russia ang napatay sa digmaan.