-- Advertisements --

Idinepensa ni Sen. Imee Marcos ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na karapat-dapat lang magbayad ng patas ng U.S. sa Pilipinas dahil sa delikadong papel nito sa pagbibigay ng unang depensa sa Amerika sa Indo-Pacific region.

Ayon kay Marcos, napakaraming Filipino ang hindi kayang magbayad sa tubig at kuryente ngayong may pandemya, kaya hindi tamang maging subsidiya rin ang dapat bayaran ng mga Amerikano.

Partikular na ang U.S. military benefits na nakasaad sa Article 7 ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Dahil dito, isinulong muli ng mambabatas ang pagsuri sa EDCA dahil tila napapaikutan daw ng Amerika ang prohibisyon sa ating Konstitusyon sa mga foreign military bases sa bansa.

Dagdag pa nito na ang dating bayad sa ating gobyerno bago mapaalis ang mga U.S. bases ay halos tatlong dekada nang hindi naibibigay ng Amerika.

Sumang-ayon din ang senadora kay Pangulong Duterte na ang $3.9 bilyon na ibinabayad ng US sa Pilipinas noong 2001 hanggang 2017 ay napakaliit kumpara sa $16 bilyon na ibinabayad sa Pakistan.

“Kung wala ang Pilipinas, ang kalakal ng Amerika pati na ang mga pangako nito sa seguridad ng rehiyon ay hihina. Ngunit dahil sa pagtanggap natin sa U.S. forces, magiging target naman ang Pilipinas ng mga kalaban ng Amerika, kahit hindi tayo direktang kasali sa anumang gyera na maaring pumutok sa ating rehiyon,” wika ni Marcos.