-- Advertisements --

Hindi na naiwasan ng mga eksperto mula United Nations ang magpahayag ng kanilang pagkabahala na posible umanong gamitin ang bagong national security law sa Hong Kong upang ikulong ang mga political activists.

Sa isinapublikong joint letter, nakasaad dito na lumalabas umano sa probisyon ng naturang batas na dahil dito ay malinaw na magkakalamat ang nararanasang kalayaan ng mga hukom at abogado sa Hong Kong maging ang freedom of expression ng mamamayan nito.

Nakapaloob din sa nasabing sulat ang detalyadong legal analysis ng national security law na ipinatupad sa lungsod noong Hunyo 30 na nagdulot ng kaliwa’t kanang kritisismo mula sa iba’t ibang bansa.

Ayon pa sa mga eksperto, ang kontrobersyal na batas na ito ay hindi sumusunod sa legal obligation ng China sa ilalim ng international law.

Hinikayat naman ng mga ito ang China na magpaliwanag kung ano ang kanilang plano upang ipatupad ang “extra-territorial jurisdiction” na nakapaloob sa bagong batas.