-- Advertisements --

Hinamon ni Tyson Fury ang kapwa British boxer na si Anthony Joshua na pirmahan na ang kontrata para sa heavyweight world title-fight nila sa Disyembre.

Binigyan kasi ng 34-anyos na WBC champion na si Fury ang 32-anyos na si Joshua ng hanggang Lunes subalit hindi pa nito napirmahan ang kontrata.

Sinabi ni Fury na hinihintay lamang nila ang desisyon ni Anthony para mabigyan ang kanilang kababayan ng magandang boxing match.

Una ng sinabi ng promoter ni Joshua na si Eddie Hearn na nalilito sila mga demand ni Fury kaya nais nilang pag-aralang mabuti ang kontrata.

Sa unang usapan kasi ay tinanggap na nila ang 60-40 na hatian sa premyo at gagawin ang laban sa Disyembre 3.

Magugunitang noong nakaraang buwan ay bigong mapanatili ni Joshua ang kanilang WBA (super), WBO at IBF belts sa rematch niya kay Oleksandr Usyk na natalo sa pamamagitan ng split decision.

Nauna ng nagdesisyon naman si Fury na magretiro noong Mayo subalit nais niyang mapagbigyan ang mga British boxing fans na sila ay magkaharap.