-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- “Inaasahan na mabubuo pa bilang Super Typhoon.”
Ito ang ibinahagi ni Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa bansang Japan, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa maaaring pag-landfall ng Typhoon Khanun sa Okinawa Is. sa bansang Japan ngayong umaga.

Aniya na nakaalerto na ang mga kinauukulan para sa maaaring maging epekto nito, lalong lalo na sa southwestern portion ng bansa na mararanasan ang sidhi ng tatamang bagyo.

Pagbabahagi pa nito na nakaranas na rin ng mga hindi inaasahang pagbuhos ng malakas na ulan ang Tokyo kaya naman ay nagkansela at pinagpaliban ang ilang mga nakatakdang aktibidad sa bansa upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.

Saad pa nito na bagamat maraming nararanasang mga typhoon ang mga residente ng Okinawa ay isa pa ring bagay na ikinababahala ang bagyo lalo na’t sinimulan na rin ng Japan Meteorological Agency ang pagpapalikas sa mga nakatira sa low-lying areas dahil inaasahan ang pagbaha at pagguho ng lupa na dadalhin ng pagbayo ng Typhoon Khanun.

Tiniyak pa nito na matatag din ang koordinasyon ng risk management at iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang mas mapabilis pa ang pagtugon sakaling may mga residenteng mangangailangan ng pagaksyon.

Maliban pa rito ay nakaalerto at nakahanda na rin ang iba’t ibang business chains sa iba’t ibang bahagi ng Japan sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at pinsala na idudulot ng pananalasa ng Typhoon Khanun.

Nagkansela na rin ng schedule ang ilang mga flights, partikular na ang mga nakatakdang magtungo sa Okinawa bilang paghahanda sa magiging epekto ng bagyo.