-- Advertisements --

Binatikos ni U.S. President Donald Trump si German Chancellor Friedrich Merz kaugnay ng pagtanggi ng Germany na magbigay ng suportang militar para tiyakin ang seguridad sa Strait of Hormuz.

Sa isang panayam sa Miami, sinabi ni Trump na hindi sapat ang ambag ng mga bansang kasapi ng NATO, kabilang nariyan ang France at United Kingdom.

Ayon pa kay Trump, tinanggihan umano ni Merz ang pakikilahok sa pamamagitan ng pahayag na “This is not our war,” kahit na ang orihinal na nagsabi nito ay si German Defense Minister Boris Pistorius.

Ikinumpara niya ito sa nangyayaring digmaan sa Ukraine, na ayon sa kanya ay “not our war” rin, subalit patuloy pa rin ang Estados Unidos sa pagbibigay ng suporta.

Binigyang-diin ni Trump ang posibilidad na muling suriin ng Washington ang ”longstanding security commitments” nito sa NATO, na maaaring tumalakay kung bakit patuloy na dapat ipagtanggol ng Amerika ang mga kaalyado nito na sa pananaw ni Trump ay hindi naibabalik ng parehas sa kanila.

“We spend hundreds of billions of dollars a year on NATO… protecting them,” ani Trump, at sabay sabi pang nakadepende sa kontribusyon ng mga kaalyado nito ang kanilang ibibigay na tulong sa hinaharap.

Samantala, sinikap ni German Foreign Minister Johann Wadephul na pakalmahin ang tensyon, sinabi niyang “no disagreement” sa pagitan ng Berlin at Washington.

Pagkatapos ng pag-uusap kay U.S. Secretary of State Marco Rubio sa France, nilinaw ni Wadephul na hindi pa nagbibigay ng request ang U.S. sa Germany ng military support sa panahong ito, at ang ganitong usapin daw ay tatalakayin lamang matapos humupa ang mga digmaan.