-- Advertisements --

Higit umanong pinagtutuunan ngayon ng China ang pagtulong sa Pilipinas, kaugnay sa COVID response, sa halip na ibang isyu ang pag-ukulan ng pansin.

Magugunitang muling naging mainit ang usapin sa West Philippine Sea dispute, kasabay ng ika-apat na anibersaryo ng The Hague ruling na pabor sa ating bansa.

Ayon kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, nakikita nila ang agresibong hakbang ng Duterte administration para labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Kaya naman, nangangako ang China ng dagdag na suporta para epektibong matuldukan ang pagkalat ng sakit at mga problemang dulot ng nasabing suliranin.

Naniniwala naman ang Chinese envoy na maagang mahihinto ang pagkalat ng virus dahil sa mahigpit na mga hakbang mula sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.