-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang tulong na ibibigay sa 12 Pilipinong seaman na crew ng isang barkong pinigil ng Iran sa Strait of Hormuz kahapon, Setyembre 7.

Sa isang statement, sinabi ng DFA na patuloy na mino-monitor ng Philippine Embassy sa Tehran ang naturang insidente.

“The Embassy is seeking further updates on the seafarers’ condition, and stands ready to provide assistance when needed,” saad ng DFA.

Nabatid na sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Iranian authorities hinggil sa umano’y oil smuggling ng mga crew ng pinigil na barko.

Ayon sa ISNA news agency, pinaghihinalaang nagsu-smuggle ng produktong petrolyo ang mga naarestong crew.

Kinuha ng mga otoridad ang kanilang shipment matapos na pigilin sa Sirik county sa Strait of Hormuz.

Nabatid na mura ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Iran dahil sa state subsidies at pagbaba ng halaga ng kanilang pera.

Ito ang dahilan kung bakit hinihigpitan ng Iran ang kanilang kampanya kontra fuel smuggling.