-- Advertisements --

Umabot na sa P131.2 million ang tulong ng gobyerno sa mga residente sa Bicol Region na apektado ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon, ayon yan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa pinakahuling tala, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na mas mataas ito sa P105 milyon na iniulat noong Hunyo 28.

Ang tulong na ibinibigay sa ngayon ay kinabibilangan ng distilled water, family food packs, family kit, family tents, financial and fuel aid, hog grower feeds, hygiene kit, laminated sacks, “malongs”, modular tents, nets, nylon lubid, bigas at mga tarpaulin.

Sa ngayon, ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ay nasa 11,045 o katumbas ng 42,815 katao na naninirahan sa 26 na barangay.

Sa bilang na ito, 5,775 pamilya o 20,134 indibidwal ang naninirahan sa 28 evacuation centers habang 408 o 1,427 katao ang tinutulungan sa labas.

Maaaring magbago pa ang mga numerong ito dahil patuloy pa rin ang mga aktibidad ng bulkang Mayon.

Nauna rito, sinabi ng Office of Civil Defense na ang mga apektadong pamilya ay kumbinasyon ng mga lumikas at mga hindi nangangailangan ng paglikas mula sa nasabing lugar.